1. Huwag magtiwala sa mga "wanderer" at "loves to travel" ayon sa social media bio nila. Cliche silang tao, panigurado. Di ko lang alam pero malamang may kaibigan akong ganiyan ang bio. Latak kayo ng lipunan, palitan niyo yang kabaduyan na yan.
2. Pag nagsimula akong magtrabaho sa lugar na kailangang naka-business casual, ibig-sabihin suko na ko at linamon na ang kaluluwa ko ng sistema. Dahil ano ang buhay kung hindi naniniwala sa simbolismo. Kakayanin ko ang lahat, puwera sa business casual.
3. Manatili sa loob ng comfort zone. May rason kung bakit comfort zone ang tawag. Kasi nga komportable. Oo, wala kang matututunan at hindi uunlad ang pagkatao mo na maaaring magdulot ng nakapipinsalang lungkot at pagsisisi na pinaka mararamdaman sa tuwing lilingon ka sa walang kulay mong buhay at iisiping "Ito na ba 'yon? Ito na talaga?" habang umiinom mag-isa sa isang bar sa liblib na bahagi ng Cubao dahil hindi mo pa kayang umuwi at harapin ang asawa mong di mo naman talaga minahal. Ngunit ayos lang yon dahil sa kahuli-hulihan, masasabi mong naging komportable ka naman - komportable lang.
4. Ipatingin yung sakit sa lalamunang anim na linggo na yata. Hindi porket umasa kang lilipas ay lilipas talaga. Minsan may mga nararamdaman talagang hindi madadaan sa pagharap sa ibang direksyon. Inalis mo nga sa paningin mo, ngunit hindi ibig-sabihin ay tuluyan nang naglaho. Yung sakit sa lalamunan pa rin to.
5. Ito mas payo kaysa paalala pero sobrang halaga nito. Berocca ang sagot sa lahat ng sama ng pakiramdam na maaaring dumapo sa sakitin kong katawan. (Maliban sa chronic na pamamaga ng gallbladder, sakit sa likod na dulot ng scoliosis, malupit na dysmenorrhea, bigat sa dibdib sa tuwing mag-isang nakahiga sa kama pag gabi at dinadamdam ang nakabibinging katahimikan ng aking pag-iisa, at saka yung sakit nga sa lalamunan.) Pero lahat ng iba kaya hilumin ng Berocca, pangako.
No comments:
Post a Comment