Tuesday, July 31, 2012

Sampung bagay

na hindi mo naman siguro kailangan malaman. Pero sasabihin ko parin.

Takot akong ipikit ang mga mata ko pag naliligo kasi feeling ko pagdilat ko magkaka multo sa harap ko. Iniiwasan ko ring tumingin sa kisame o sa salamin. O sa likod. O sa reflection sa tubig. O sa bintana. Ede ako nang matatakutin.

Gusto ko maging ballet dancer. Muka kasing masaya mag pink tights at tutu tapos iikot ikot ako nang naka tip toe na parang tanga. Graceful na tanga.

May isang sembreak na masyado akong na adik sa Star Wars at paulit ulit kong pinanood yung anim na pelikula. Habang nanunuod, sumisigaw ako ng "young Padawan" at hindi ko parin alam kung bakit.

Naeenjoy kong amuyin ang paa ko. Mabango, swear. Minsan naiisip ko, oh my siomai, where is that delightful aroma coming from. Tapos ayun, paa ko lang pala. Sabihan niyo lang ako kung gusto niyo ring amuyin.

Nasasarapan akong matulog sa jeep. Kaya minsan, nakakailang ikot ako sa Ikot o kaya pabalik balik na sumasakay ng UP-Katipunan. Umaasa nalang ako na hindi naweweirdohan sakin yung mga driver.

Kung nabigyan ako ng pagkakataon na magwish para sa kahit anong gusto ko, siguro sasabihin ko na sana wala nang nagugutom o naghihirap sa buong mundo. Haha joke lang. Siyempre makikipagpalit ako ng buhay kay Beyonce. Duh.

Naiinis ako sa mga gentleman. Excuse you, I am a strong independent woman. Kaya kong pagbuksan ang sarili ko ng pinto at bumili ng sarili kong pagkain at kargahin ang sarili kong gamit. Pero kung si ano yung nag offer, hihihihi go lang.

Ang dami pala ng sampu. Sampo? Ten. Pwede na yan.


Thursday, July 26, 2012

Panaginip

Magigising ako at mapapangiti. Magre replay sa utak ko yung mga tauhan, yung setting, yung eksena. Mararamdaman ko parin yung kilig at saya. Babangon ako at sisimulan ang araw, bitbit ang mga imahe at emosyon mula sa alaalang hindi naman talaga nangyari.

Wednesday, July 25, 2012

Pano kung marami? Moonleaves?

May pinanood ako sa Cine Adarna nung isang araw. Sponsor ang Moonleaf kaya nagparaffle sila. Bakit ko sinasabi to? Kasi nanalo yung katabi ko! Joke lang. Ako pala yung nanalo. Nun lang ako nanalo sa isang raffle sa buong buhay ko. Pakiramdam ko tuloy may kung ano mang mutant powers na ko. Inisip ko lang yung ticket number ko tapos yun na yung sunod na sinabi nung host. Bigla akong nagkaroon ng urge na tumalon mula sa building o kaya tumaya sa lotto o murahin lahat ng ayaw kong prof. Feeling ko kasi ako na yung pinakaswerteng tao sa balat ng lupa nung mga panahon na yon at walang masamang pwedeng mangyari sakin. Kinuha ko na yung Milk Tea ko na best seller daw yung flavor at mukang may extra pa na pearls. Bumalik ako sa upuan ko at ganun ganun lang, naglaho rin kagad lahat nung saya. Naalala ko kasing wala nga pala akong kasama, at kahit na gano ko pa kagustong isigaw kung gaano ka sarap yung iniinom ko, wala naman akong mapagkekwentuhan.

KJ nung dulo, nakakainis. Madrama kasi ako kunwari. 

Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa nga pala yung pinanood ko. Ang ganda nung mga tula na ginamit nila. Muntik na nga akong sumuko sa pag-aaral kasi hindi ko talaga mahanap hanap kahit saan yung mga tula na yon. Ang galing pa nung titig ng pagnanasa nung isang actor. Mararamdaman mo talaga yung kilig ng mga tao sa theatre. May isa pa ngang sumigaw at napatayo. Akala ko kung anong nangyari sakanya, yun pala kinilig lang. Di naman siya masyadong OA noh.

Panira nga lang yung katabi ko. Lahat nalang kwinento sa katabi niya.  Nalaman ko tuloy na may quiz sila nung araw na yon na hindi niya napagaralan, na nadapa siya papasok sa theatre, na kailangan niyang umuwi ng maaga kinabukasan, ulam niya kahapon, ulam niya kanina, ulam niya mamaya, lahat ng pangarap at pagsisisi niya sa buhay. Interesting siguro siya. Kaso kung nanonood ka ng pelikula, tangina, tumahimik ka.

Thursday, July 19, 2012

Tatlong Taong Walang Diyos

Isang araw, nakasakay ako sa jeep na pa Katipunan. May nadaanan kaming building tapos narinig kong tinatawag ako ng mga espirito ng Videotheque. "Free admission" daw. Napababa tuloy ako sa jeep at nanood ng sine.

Tatlo palang na lumang pelikula ni Christopher de Leon ang napanood ko. At balak ko pang madagdagan yon. Crush ko na talaga ang masbatang, wala pang bigoteng version niya. Gusto kong bumalik sa mga 30 years ago para lang makapagswoon sa tamang panahon. Pag ginawa ko kasi ngayon yun, puro mga kaedad lang siguro ng nanay ko makakarelate.

Ano ba, Christopher de Leon, wag mo ko tignan ng ganyan.

Rinape ni Christopher de Leon si Nora Aunor, na nun ko lang narealize na ang ganda ganda pala, tapos bigla siyang nag paka Carrie. Akala ko talaga magiging thriller tapos papatayin ni Nora Aunor lahat ng Hapon. Nakakatakot, pramis. Parang tinititigan pa ko nung nunal niya. Pero nagpakasal din sila. Na may sense nga naman kasi okey lang na may mangrape sayo, basta guwapo.

Tapos pinatay nila halos lahat ng bida. Nakakainis. Hindi ba may rule na dapat isa lang na mabait na character ang pwedeng mamatay kasi masyadong nakakadepress na kung mas marami pa dun. Kaya nga nakakainis din ang Harry Potter e. Nung namatay nga si Christopher de Leon, parang gusto ko nang umalis dun sa theatre. Pero eventually, tumigil din ako sa kakasigaw at hagulgol, at panghaharass nung ibang nanunuod.

Ang kakaiba talaga yung pagkamatay ni Nora Aunor. Pinalibutan siya ng mga babaeng may gunting at inikut ikutan siya. Akala ko talaga sasaksakin nila si Nora Aunor kaya sobrang nandiri ako habang pinapanood yung part na yon. Yun pala, dali, hulaan niyo. GINUPITAN SIYA NG BUHOK. Hindi ko maintindihan kung ano yung point nun kasi binaril din siya pagkatapos. Ewan ko kung masyadong artistic o deep yung scene na yon para maintindihan ko, o sadyang bobo lang talaga.

Si Bembol Roco lang natira. Ang hirap pa panoorin kasi may buhok pa siya nun. Pero tama lang siguro na nakalbo siya kung ganyan din naman pala itsura ng buhok niya. Ay, nakikipag giyera pala kasi yung character niya kaya wala na sigurong oras mag mukhang matino. 

Wednesday, July 4, 2012

Attack of the Holy People

Masaya sumakay ng jeep pag gabi.

Habang nalulunod sa amoy ng barya at paulit ulit na Bayad po, may biglang nagsalita na lalaki. Akala ko talaga hinohold up na kami pero yun pala magsasalita siya tungkol sa religion, na halos magkalevel lang ata na parusa. Kung relihiyoso ka at na offend ka, joke lang yon, ok? Kung hindi naman, good for you.

Pero marami akong natutunan mula sakanya. Physical na lugar daw ang hell na matatagpuan 300,000 whatever miles sa ilalim ng lupa. Mali ang mga nagsasabi na may purgatory. Wala raw. Wala. Hindi ko nakuha kung ano religion niya pero basta mali tinuturo ng lahat ng iba. Kung malibog ka? HELL. Kung nangungurakot ka? HELL. Kung nangchichismis ka?  Hulaan mo kung san ka pupunta. Hell ba kamo? Ewan, di niya sinabi e. Haha joke lang, sa HELL. 

Actually gawa gawa ko lang yung last part. Natuwa lang ako sa salitang hell. Di naman obvious diba. 

Nakinig lang ako kasi simula palang, sinabi na niya na hindi siya hihingi ng pera at gusto lang niya ispread ang Word of God. O parang ganun. Tapos sa lakas pa ng boses niya, akala mo hindi dikit na dikit ang gilid ng pwet ng mga pasahero sa lapit sa isa't isa. Para siguro marinig hanggang heaven. Na nasa ibabaw ng langit. Mesosphere, thermosphere, tapos ayun, heaven na ata.