Thursday, September 18, 2014

Isang bukas na liham para kay Nikko Ramos

Naaalala ko pa rin yung unang beses na nagtagpo ang mga mata natin. Ito na yon, sabi ko sa sarili ko. Ito na siguro yung sinasabi nilang 'pag-ibig.' Wala akong imik. Nakatingin lang ako sa 'yo. Ngunit kahit na nakatingin ka rin pabalik, para bang hindi mo naman ako nakikita. Literally.

Tuwing napapanuod kita sa telebisyon, lagi kang nakangiti, laging masaya. Naiisip ko na siguro okey na tao 'to. Yung tipong tao na pareho lang ang antas ng pagsuporta para sa basketball team ng UP miski tambak na sila ng trenta puntos wala pang kalahati, o tabla sa Ateneo nang sampung segundo na lang ang natitira at sa UP ang bola. Yung mga ganyang klaseng tao ang mga dapat hinahangaan e. Siguro ganun ka.

Minsan umaasa akong makita kita sa totoong buhay. Wala lang. Tapos sasabihan kita kung gaano ako kanagandahan sa sinulat mong sanaysay tungkol sa lolo mo at sa Gilas, at na ang galing mong magsalita sa Sports5 Center. O kaya tititigan lang kita mula sa malayo. Isa sa dalawang mga bagay na yon.

Nang biglang nasa Gateway ako kanina at napatigil sa paglalakad. Tangina si Nikko Ramos yun a! Napatigil din ako sa paghinga, sa pag-iisip, sa... basta lahat parang tumigil. Ang tangkad mo pala sa personal. At nakangiti ka na parang yung ngiti mo sa telebisyon. Ganun na ganun. Tinignan ko ang mga mata mo para sa unang pagkakataon nang hindi nakasubsob ang mukha ko sa salamin ng TV. Sigurado na ako ngayon. Ito na nga talaga yon. Yung sinasabi nilang 'pag-ibig.'

_____

Disclaimer: exaggerated for artistic purposes. Sobrang creepy jusko. Pero love ko kasi talaga si Nikko Ramos ok. Actually may kaholding hands siyang babae kanina. Pero love ko pa rin siya. Mostly dahil sa kahusayan ng pagkakasulat nito:
http://www.slamonlineph.com/fun-times-flatlines-mabuhay-ang-gilas/

Monday, September 15, 2014

Manok lang ang makakasalba sa akin

Para bang nakasakay ako sa isang bangkang pinapasukan ng tubig ngunit hindi mahanap ang butas. At kahit pa subukang tapalan lahat, patuloy pa ring lumulubog. 

Sa nakaraang dalawang buwan pa lang, naka halos sampu na siguro akong bisita sa kung sinu-sinong doktor. Buti na lang at may Mang Inasal malapit sa St. Lukes. Nagegets lang talaga ako ni Mang Inasal e. Alam naming lahat na may problema, kitang-kita naman, hindi nga lang malaman ang dahilan. Lahat ng eksamen bumalik nang malinis. Tatlong tableta araw-araw para sa pitong linggo ngunit hindi rumesponde. Mga propesyonal na may unanimous na opinyon na ang kasong ito ay 'hindi karaniwan.' Hindi karaniwan - isang napakabait na termino para sa Tangina hindi ko alam ano yan. At wala na sigurong mas nakababaliw pa sa hindi pag-alam. Dumating na yung punto na maluha-luha na kong lumabas sa opisina nung isang doktor dahil normal yung mga blood test, walang nakitang mali. Pero kasi, hindi normal e, merong mali. Pati yung PM1.5 Spicy Paa, sigurado don. 

At patuloy pa rin ang paglubog.

Char, pupunta lang sa doktor sa isang araw naginarte na. Pero wala pa ring mas nakakalungkot pa sa pagkawala ng Mang Inasal sa Katipunan. Naaalala ko pa rin ang sabay na paghila ko sa pinto at ang pagpansin na tinakpan ng manila paper ang mga salamin. Sobrang sakit. Para akong nawalan ng kaibigan. Na gusto kong ihawin. At kainin. Yung ganung klaseng kaibigan. Ewan ko ba. 



Thursday, September 11, 2014

Bente

Parang pakiramdam ko napakahabang panahon ang nasa pagitan ng 19 at 20. Parang ang laki bigla ng tinalon ng edad ko. Pag teenager ka kasi, pagbibigyan ka pa ng lipunan na magpa-cute, maginarte, magpaka-emo, mag-rant sa facebook. 'Bata' ka pa e. Ano bang alam mo maliban sa magpa-cute, maginarte, magpaka-emo at mag-rant sa facebook? Wala. Wala kang alam.

Tapos sasabihin ng orasan mo na alas dose na nang madaling araw sa isang partikular na Martes, at kahit na wala ka pa ring alam, isinisigaw ng napakabilog na mga numerong 2 at 0 na dapat ata meron na. Yung iba diyan, pagraduate na, naghahanap ng trabaho, nag-iipon para sa kasal. Tapos nandiyan ka, kinakain mula sa sahig ang nahulog na icing galing sa cake na binili mo para sa sarili mo. (Subukan niyo yung Banana Nutella Pie sa Mom and Tina's. Pero patunawin niyo muna nang mga trenta minutos para gooey yung tsokolate sa loob imbis na frozen. Sobrang sarap.)

Ayun. Yun lang ang alam ko. Kung paano ang tamang paraan ng pagkain ng Banana Nutella Pie ng Mom and Tina's. Sapat na siguro yon.

Pero seryoso, masarap.


Monday, September 1, 2014

Mula sa Mga Tala sa Balarila ni Carlos Piocos

Bakit kay lapit ng salitang halika sa halik?
Ngunit bakit sa tuwing ikaw ay tatawagin ko
Sa aking tabi, halika sa aking tabi,
Sapagkat nanginginig ang kama sa titig ng gabi,
Halika. sapagkat nais kong sabihin ang halika
Nang paulit-ulit, halika, halika, hayaang mapuno
Ng halika itong madilim na silid
Sasagot ka ng katahimikang bitbit ang buong daigdig
At tila isang uniberso ang pagitan ng ating mga bibig.