Friday, April 28, 2017

HUBAD AT HILAW

Sa isang kilalang teoryang panlipunan ay iprinepresenta na ang tao ay mayroong iba't ibang mukhang ihinaharap depende sa sitwasyong ginagalawan. Tila lumilipat mula sa isang entablado tungo sa susunod, kung saan paiba-iba rin ang ginagampanang tauhan. Iba ang ikaw na pumapasok sa klase, sa ikaw na nakikipag-inuman sa mga kaibigan, sa ikaw na umuuwi sa piling ng minamahal. Ang bawat tauhang ihinaharap natin sa mundo ay isa lamang sa maraming bersyon ng malawak at lumalawak na sarili.

Ngunit sa kabila ng mga manipestasyon ng kasalimuotan ng pagkatao, hindi tayo mahihiwalay sa pundasyon ng ating sentro- na matutuklasan lamang daw 'pag naglambitin sa bingit, 'pag itinulak sa kanto. Pagdating sa mga kasagarang ito, magsisimula na ang proseso ng paghanap ng pagkakakilanlan.

--

Sasalatin ang kalahatan ng katawan, bawat papasok at pailalim. Kakabisaduhin ang mga paso't pilat, mga galos na lihim. Yayapusin ang nagmamanhid na balat, ang nag-iinit na laman. Saka ihahain nang buong-buo, ngunit nang marahang-marahan. 

At maghihiwalay na ang mga kurtina para sa isa pang pagtatanghal, kung saan ang tauhan ay ang ikaw, na tunay at dalisay, hubad at hilaw. 






Tuesday, April 18, 2017

DITO NA LANG AKO MAG-IINARTE BILANG NAG-DEACTIVATE ULIT AKO NG TWITTER

Bakit ba laging iniisip ng mga tao na masungit ako?

Dahil ba hindi ako kumakausap ng ibang tao, at hindi ako bumabati pag may nakakasalubong, at laging umaalis nang maaga, at hindi marunong mag-eye contact o mag-small talk?

Ha! Akala niyo a! Di ako masungit! Mayroon lang akong malalang social anxiety at mababang self-esteem!




Saglit. Shet...



MGA BAGAY NA SINUSUPIL NA ALAM NATING HINDI DAPAT

1. Ang pag-angkin ng taumbayan sa mga pwersa ng produksyon

2. Tunay at mapagpalayang rebolusyon

3. Feelings



Sunday, April 16, 2017

HINDI BIRO ANG MAG-ALAGA NG ELEPANTE

Ano ang gagawin kung mayroong elepante sa loob ng kwarto?

Option 1:
Huwag pansinin. Hayaan lang itong gumala-gala at mamuhay nang mapayapa. Kahit na inako na ng elepante ang kwarto, matutong maging kuntento sa sulok kung saan unti-unti kang itinulak nang itinulak.

Option 2:
Buong tapang na harapin. Maaari itong pumayag na gabayin paalis (kung maswerte). Maaari ring magwala ang naturang elepante at wasakin ang lahat ng nasa daan nito.

Option 3:
Alagaan ang elepante. Hayaang maging parte ng pang-araw-araw na buhay. Edi pareho na kayong masaya. Kaso nga lang, hindi nararapat na manirahan ang elepante sa isang kwarto. Darating din ang panahon na kailangan itong palayain. Ngunit habang naghihintay: kupkupin, paliguin, pakainin, mahalin.


* * *
Charot anyare maka-insert lang ng love

Sunday, April 9, 2017

PROBLEMANG PETI-B #1

Bale gusto kong i-deactivate ulit yung facebook account ko sapagkat ang dali kong ma-distract as a person. Kaso nga lang, nagreply ako nang mahahabang mga comment sa mga post ng mga tao na patungkol sa seryosong usapin. Ngayon, pag nag-deactivate ako, mawawala yung mga naturang comment. At magmumukha akong nag-pussy out mula sa mga diskusyon. Problema yon sapagkat maliban sa madali akong ma-distract, ma-pride din ako as a person.

At dito nagtatapos ang unang yugto ng Problemang Peti-B kasama si Pauline Fernandez.


Next episode's preview: Putangina ko, ang daming nagugutom sa mundo pero ang dami ko pa ring inarte. Di naman ako mapapakain ng pride ko.


Monday, April 3, 2017

PAANO NGA BA LAKBAYIN ANG PANAHON

Paborito ko ang kahit anong may kinalaman sa time travel. Lalo na yung mga tipong bumahing ka lang habang nasa nakaraan, unti-unting nang mabubura ang buong angkan niyo mula sa balat ng lupa. May angking kagandahan ang pagbuo ng mga kontradiskyon at gusot sa mga akala nati'y tuwid lang ang takbo - ang pagkakaroon ng kakayahang magbunsod ng pagbabago.

Ang isang mahalagang natutunan ko sa panunuod ng oras-oras na mga sine at palabas, ay na kahit ang pinakamaliit lang na pagkakaiba ay maaaring ganap nang sirain ang buong timeline. Ang bawat desisyon (o kawalan ng desisyon) ay nakapagdudulot ng kaibahan sa daloy ng kasaysayan. Lumilikha ito ng mga daigdig na hiwalay sa kung paano natin ito kasalukuyang kinikilala.

Halimbawa na lamang ay noong sinabi niyang mahal ka niya at hindi ka niya iiwan. Maaaring buo nga ang intensyon niya, kaso nga lang nag-iiba ang tao, at bumabaluktot ang panahon. Hindi siya sinungaling o manloloko - marahil mayroon nga talagang isang buong daigdig kung saan minahal ka nga niya at hindi iniwan. Sa kasawiang palad nga lang, iba ang realidad na ginagalawan natin ngayon.

Ngunit ano bang alam ko? Panahon na lang ang makapagsasabi kung mananatiling halimbawa ang halimbawang to.