Paborito ko ang kahit anong may kinalaman sa time travel. Lalo na yung mga tipong bumahing ka lang habang nasa nakaraan, unti-unting nang mabubura ang buong angkan niyo mula sa balat ng lupa. May angking kagandahan ang pagbuo ng mga kontradiskyon at gusot sa mga akala nati'y tuwid lang ang takbo - ang pagkakaroon ng kakayahang magbunsod ng pagbabago.
Ang isang mahalagang natutunan ko sa panunuod ng oras-oras na mga sine at palabas, ay na kahit ang pinakamaliit lang na pagkakaiba ay maaaring ganap nang sirain ang buong timeline. Ang bawat desisyon (o kawalan ng desisyon) ay nakapagdudulot ng kaibahan sa daloy ng kasaysayan. Lumilikha ito ng mga daigdig na hiwalay sa kung paano natin ito kasalukuyang kinikilala.
Halimbawa na lamang ay noong sinabi niyang mahal ka niya at hindi ka niya iiwan. Maaaring buo nga ang intensyon niya, kaso nga lang nag-iiba ang tao, at bumabaluktot ang panahon. Hindi siya sinungaling o manloloko - marahil mayroon nga talagang isang buong daigdig kung saan minahal ka nga niya at hindi iniwan. Sa kasawiang palad nga lang, iba ang realidad na ginagalawan natin ngayon.
Ngunit ano bang alam ko? Panahon na lang ang makapagsasabi kung mananatiling halimbawa ang halimbawang to.
No comments:
Post a Comment