Friday, April 28, 2017

HUBAD AT HILAW

Sa isang kilalang teoryang panlipunan ay iprinepresenta na ang tao ay mayroong iba't ibang mukhang ihinaharap depende sa sitwasyong ginagalawan. Tila lumilipat mula sa isang entablado tungo sa susunod, kung saan paiba-iba rin ang ginagampanang tauhan. Iba ang ikaw na pumapasok sa klase, sa ikaw na nakikipag-inuman sa mga kaibigan, sa ikaw na umuuwi sa piling ng minamahal. Ang bawat tauhang ihinaharap natin sa mundo ay isa lamang sa maraming bersyon ng malawak at lumalawak na sarili.

Ngunit sa kabila ng mga manipestasyon ng kasalimuotan ng pagkatao, hindi tayo mahihiwalay sa pundasyon ng ating sentro- na matutuklasan lamang daw 'pag naglambitin sa bingit, 'pag itinulak sa kanto. Pagdating sa mga kasagarang ito, magsisimula na ang proseso ng paghanap ng pagkakakilanlan.

--

Sasalatin ang kalahatan ng katawan, bawat papasok at pailalim. Kakabisaduhin ang mga paso't pilat, mga galos na lihim. Yayapusin ang nagmamanhid na balat, ang nag-iinit na laman. Saka ihahain nang buong-buo, ngunit nang marahang-marahan. 

At maghihiwalay na ang mga kurtina para sa isa pang pagtatanghal, kung saan ang tauhan ay ang ikaw, na tunay at dalisay, hubad at hilaw. 






No comments:

Post a Comment