Sabi ng doktor, kahit ilang oras pa lang pagkatapos nung operasyon, pwede na ko maglakad. Tatlong araw na ang nakalipas at takot pa rin akong subukan. Baka hindi pala ako kasing lakas ng inakala ko. Ngunit ang tunay na sukat ng lakas ay dadating lang pagka wala kang kakayahang bumangon mula sa kama at bigla na lang binulong ng katawan mo ang mga salitang 'naiihi ako'. Dito magsisimula ang pakikipagsapalaran sa mundo ng mga bedpan, vajayjay exposure, martyr na kubrekama, at labis na kahihiyan sa harap ng nurse na nagngangalang RJ. Dumating na sa punto na hindi ko na alam kung ano ang tama sa mali, ang taas sa baba, ang basa sa tuyo. Pero hindi dito natatapos. Alam ko namang hindi ko maiiwasan ang pangalawang yugto ng pagsubok na ito. At naramdaman ko nang paparating kanina kaya humingi ako ng payo sa isang nakatatandang nakatago sa bigote ang sandaang taong halaga ng kaalaman. Hindi man niya sinasadya, pero napakabigat ng epekto sakin ng mga salitang binitawan niya.
Ako: Natatae ako.
Itay: Ede pumunta kang banyo.
At pagkurap ko wala na siya. Oo nga naman. Kinuha ko yung mga saklay kong pumayag na tumira sa ilalim ng kili-kili ko nang ilang linggo (at para don lubha akong nagpapasalamat), dahan-dahang tumayo, at lalong dahan-dahang naglakad papuntang banyo na nasa katabing kwarto lamang. Tinignan ako ng mga kasama ko sa bahay na parang ako si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. At sila'y lumuhod at umiyak sa napakabagal kong kumilos na mga paa. Ilang beses din akong muntik nang sumuko pero ang tanging nasa isip ko ay: Kailangan. Kong. Tumae. Mga limang minuto ang inabot ko para lang gumalaw ng limang metro. May nag-abot sakin ng isang rolyong tissue. Kinuha ko ito at pinakain sa kanila. Hindi ko kailangan ng tissue niyo. Tubig ang ginagamit ko. Na gagawin kong wine pagkatapos. Nang nagawa ko na ang mga dapat kong gawin, nag-flush ako at sumaludo sa umiikot-ikot na piraso ng kaloob-looban kong parehong pinalaya ko, at nagpalaya sakin.
Mabuhay at maligayang pasko.
No comments:
Post a Comment